isang nostalgia (kuno)
Hay naku, nostalgia na naman ito.
Ganito ako pag nakakaramdam ako ng masidhing emosyon. Hindi ko maintindihan kung bakit pag may mabigat akong pakiramdam sa loob ko, hindi ko maiwasan ang mag-isip. Mag-isip tungkol sa mga bagay na tumulong sa paghulma ko sa sarili ko. Hindi ko din maintindihan kung bakit ako nagkakaganito sa tuwing iniisip ko yung kinabukasan.
Naalala ko nung high school ako, sa Lourdes, first year ako, bagong salta sa eskwela, walang kakilala at walang makausap. Kada papasok ako nuon, pag umabot na yung jeep na sinasakyan ko sa kanto ng eskwelahan, kinakabahan ako. Parang bumibigat ang mga paa ko at hindi na ako makababa ng jeep. Takot yung nangunguna sa akin dito. Takot na baka hindi na ako makauwi ng buhay sa bahay, yung tipong lalamunin na ako ng buhay ng eskwela. Hindi dahil takot ako sa eskwela nun (na medyo totoo naman, dahil ayoko talaga ng nakikita ko yung babaeng laging tumatakbo sa mga corridors ng school, di nya alam, ako lang ang nakakakita sa kanya) kundi dahil takot ako sa maaaring pwedeng mangyari kasama ng mga bagong ka eskwela.
Sa ganoong panahon ko din naisip, paano kaya ako sa college? Meron kayang kolehiyo na tatanggap sa akin, dahil sa tingin ko, napaka mediocre ko naman. Takot ako sa magiging buhay ko pagkatapos ng eskwela, baka wala namang tumanggap sa aking kumpanya. Takot din akong baka wala akong makilala na taong tatanggap sa tunay na ako.
Takot. Oo puro takot ang nasa saloobin ko. Noon at ngayon. Dahil hindi ko sigurado ang kinabukasan. Minsan nga, hinihiling ko na lang sa Diyos na sana hindi na ako magising kinabukasan. Ayoko na kasi ng walang kasiguraduhan ang bukas. Ayoko na lang biglang mawawala ang lahat sa akin, at ayoko din naman na uuwing luhaan. (na pwedeng nangyari na, hindi ko lang maamin pa sa sarili)
Kung pwede lang siguro kainin ang takot, marahil wala ng taong nagugutom ngayon. Ako takot pa din ako. Ilang beses ko na bang naulit ito? Takot ako. Kung tatanungin kung saan ako natatakot, ang maisasagot ko lang dyan eh, takot ako sa lahat. Sa pwedeng mangyari. Sa pag-ibig. Sa trabaho. Sa kawalan ng trabaho. Sa buhay. In short, sa lahat.
Wala namang sigurado sa mundo. Yun yung sabi sa akin ng mga kakilala kong nakakaalam ng dilemma kong ito. Kaya wag dapat daw ako mag alala at iasa sa panahon at kapalaran ang bukas. Kaso ayoko ng ganun.
Segurista akong tao. Hindi pwedeng bahala na. Ayoko ng nabibitin. Hindi ako nag sesettle sa pwede na yan. Kailangan, ok lahat.
Sabi ko sa sarili ko, lowered expectations dapat. Okay lang na di makita ang gusto mo sa panahon mo, Okay lang na hindi makapasa sa trabaho, Okay lang na hindi mo alam ang gusto mo dahil hindi naman lahat ay sigurado.
Pero teka, nasabi ko na bang, segurista ako?
Sabi nga sa pelikulang "Hitch," Life is not the amounts of breaths you take, it's the moments that take your breath away. Ibig sabihin, dapat ko palang ipagpasalamat ang meron ako, kaysa sa mainis ako sa mga bagay na hindi ko kayang tanggapin.
Tama naman yun, pero bakit hindi ko magawa?
Ang dami ko pala talagang hang ups.
Nasabi ko na ba talaga na, segurista ako?

0 Comments:
Enregistrer un commentaire
<< Home